Sa iskor na 79-68, ipinatikim ng Cambodian basketball team sa Gilas Pilipinas ang unang pagkatalo sa ginaganap na 32nd Southeast Asian Games na ginaganap sa Cambodia.
Dahil sa kabiguan, dumausdos ang Gilas Pilipinas sa second place ng Group A ng torneo sa record na 1-1. Nangunguna ang host na Cambodia na may 2-0.
Ang Malaysia na tinalo ng Pilipinas, may 1-1 na kartada rin.
Ang mangungunang dalawang team sa bawat grupo ang uusad sa semifinal round.
Kabilang sa team Cambodia ang mga naturalized player tulad nina Darrin Dorsey, Sayeed Pridgett, at Brandon Peterson, na naka-gintong medalya sa 3x3 basketball event.
Kumamada si Dorsey para sa Cambodia ng 22 puntos, na sinundan ni Pridgett na may 17 puntos.
Nanguna naman para sa Pilipinas si Christian Standhardinger na 14 puntos, habang nagmarka si Chris Newsome ng 11 puntos.
Inaasahan na makakabawi ang Pilipinas sa laban nito sa Singapore sa Sabado.
MVP, dismayado
Hindi naman naitago ni Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manuel V. Pangilinan, ang pagkadismaya sa pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa koponan ng Cambodia.
"What a disgraceful game for Gilas. An ignominious defeat which will be etched deeply in infamy. SBP - what happened?" tanong ni Pangilinan sa kaniyang post sa Twitter matapos ang laban.
What a disgraceful game for Gilas. An ignominious defeat which will be etched deeply in infamy. SBP - what happened?
— Manny V. Pangilinan (@iamMVP) May 11, 2023
Itinuturing malaking upset ang nagawa ng Cambodia na world no. 157, matapos talunin ang Gilas Pilipinas na no. 40 sa listahan ng mga koponan sa mundo.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes, may matututunan silang aral sa kabiguang dinanas sa Cambodia.
"This is something we can learn from. We move on to the next game, then we prepare for the knockout semifinals," ani Reyes.—FRJ, GMA Integrated News