Ang masaya sanang karanasan ng magkapatid sa panonood ng concert, nauwi sa sama ng loob nang hindi sila papasukin sa venue dahil peke umano ang ticket na nabili nila online na nagkakahalaga ng P11,000.00.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing lumuwas pa ng Maynila ang magkapatid na itinago sa pangalang "Ana" at "Alma," para manood ng concert ng English electronic music duo na "Honne."
Ngunit hinarang sila sa concert venue dahil peke umano ang hawak nilang ticket na nabili nila online.
“Noong iskinan [scan] po namin ang lumabas po ay wrong gate entered. May isa pong babae na nagsabi na patingin daw po ng ticket ang sabi po niya fake ticket daw po,” sabi ni Ana.
“Me and my sister were like sobrang hopeless na po namin hindi namin alam ang gagawin we started to cry,” ayon naman kay Alma.
Ayon sa ina ng magkapatid, trauma ang inabot ng kaniyang mga anak sa halip na mag-enjoy sana sa concert.
Kuwento nila, nagtanong si Ana sa social media kung may nagbebenta ng concert ticket dahil nagkaubusan ng ticket.
May isang sumagot sa kaniya, at nang maibigay ang online payment na P11,000 sa account ng kanilang transaksyon, may ibinigay sa kanila na ang dalawang electronic ticket.
“Hindi lang po ako makapaniwala na there are people na very cruel po talaga and I hope sana ma-guilty naman sila kahit konti,” sabi ni Alma.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), marami silang natatanggap na reklamo tungkol sa online scammer na nagbebenta ng mga pekeng concert ticket.
Nahihirapan rin ang mga pulis na hanapin ang mga suspek dahil pekeng account ang ganagamit ng mga scammer.
Pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na maging maingat sa pakikipagtransaksyon online.
“Yan ang ating tinututukan ngayon, sapagkat may mga report na nakakarating sa atin na may mga ganyang modus operandi ngayon,” ani Police Brigadier General Redrico Maranan, PNP-PIO Chief. -- Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News