Pumanaw na nitong Miyerkules ang Saranggani boxer na si Kenneth Egano ilang araw makaraang comatose matapos ang kaniyang laban sa Cavite nitong Sabado na siya ang nanalo.
Natapos pa ng 22-anyos na si Egano figured ang eight-round bout kontra kay Jason Facularin na ginawa sa Imus Sports Gymnasium sa Imus, Cavite.
Pero hindi pa man naihahayag kung sino ang panalo, dumaing si Egano na nahihilo hanggang sa nawalan na ng malay. Nang ianunsyo ang resulta ng laban, panalo si Egano via unanimous decision.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng head coach na si Dexter Benatero, na nasa kondisyon naman si Egano at dumaan sa medical test bago ang laban.
"Naka-medical naman at saka bago umakyat ng ring, may doctor naman. Wala namang nakita na kung anong issue. Kundisyon 'yung boxer ko na lumalaban ng 1st hanggang 8th round," pahayag ni Benatero.
"Nung bumalik sa corner namin, kasi blue corner kami bumalik na doon, 'yun nga nagsabi sa akin na, coach parang nahihilo ako," dagdag niya.
Comatose na umano si Egano nang dumating sa ospital dahil sa pamumuo ng dugo sa kaniyang ulo.
"Para akong nahimatay sa ospital, pero wala na akong magawa kasi wala na siyang buhay. Kasi hanggang ngayon, hindi ko pa matanggap na patay ang anak ko," malungkot na pahayag ni Anabella Egano, ina ni Kenneth.
"Mahirap tanggapin kasi mahaba lang 'yung pinakita niya sa amin, ang kabutihan niya sa mga tao. Sabi ko 'Bakit si Kenneth pa? Mabait naman 'yung anak ko. Pero paano, wala akong magawa kasi noong umalis sila ng GenSan buhay pa. Pagbalik niya bukas doon, bangkay na," patuloy niya.
Labis din na ikinagulat ng ama ni Kenneth na si Joel ang biglaang pagpanaw ng kaniyang anak.
Tiniyak ng production company sa likod ng Blow-by-Blow fight card na tutulungan nila ang pamilya Egano.
"Na-settle na po ang hospital bills, baka hanggang bukas ang burol ni Kenneth dito (Imus). Settled din po 'yan," sabi ni CEO Marife Barrera. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa airlines para maiuwi sa Saranggani ang mga labi ni Kenneth.
Ayon pa kay Barrea, si Manny Pacquiao ang sumagot sa mga gastusin. —FRJ, GMA Integrated News