Inaasahang maglalabas na umano ng desisyon ang korte kaugnay sa kasong isinampa laban sa isang babae na nag-iwan ng sulat sa puntod ng mga magulang ni Russian President Vladimir Putin na nagsasaad na nagpalaki sila ng "freak and a murderer."
Sa ulat ng Reuters, sinabing hiniling ng prosekusyon sa St. Petersburg na bigyan ng three-year suspended sentence o probation ang babae dahil sa "nakakainsultong" mensahe na iniwan nito sa puntod ng mga magulang ni Putin, batay sa inilabas na impormasyon ng human rights group na OVD-Info nitong Miyerkules.
Nitong nakaraang Oktubre, isinampa ang kaso laban kay Irina Tsybaneva, 60-anyos, na ayon sa mga awtoridad ang siyang nag-iwan ng kontrobersiyal na sulat sa puntod ng mga magulang ni Putin na nangyari din sa nasabing buwan.
Ayon sa Russian news outlet na Mediazona, para umano sa ina at ama ni Putin ang mensahe bilang "parents of a maniac" and "the whole world prays for his death."
"Death to Putin, you raised a freak and a murderer," nakasaad pa umano sa sulat.
Kinasuhan ng mga awtoridad sa Russia si Tsybaneva dahil sa paglabag sa batas bunga ng paglapastangan umano sa bangkay at sa libingan "on the basis of political hostility."
Matapos madetine noong Oktubre, isinailalim si Tsybaneva sa temporary house arrest.
Tumanggi ang Primorsky District Court, kung saan nililitis si Tsybaneva, na kompirmahin ang detalye ng kaso pero inaasahan na umano ang paglabas ng hatol.
Ayon sa Mediazona, hindi itinanggi ni Tsybaneva na siya ang nagsulat ng mensahe. Ginawa raw niya ito matapos manood ng balita at maunawaan na, "everything is very scary, everything is very sad, and there are many dead."
Batay sa OVD-Info, nasa 19,673 katao ang nadetine dahil sa pagprotesta laban sa ginagawang pagsalakay ng Russia sa Ukraine na nagsimula noong Pebrero 2022. Nasa 550 katao naman ang kinasuhan.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News