Arestado ang isang suspek sa pagbibenta ng umano'y iligal na droga, at apat na iba pa sa isang buy-bust operation sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balit nitong Huwebes, sinabing nangyari ang buy-bust operation sa Barangay Bahay Toro at naaresto ang nagbibenta ng droga na si Fernando Ragasa, at apat na iba pang naaktuhang gumagamit o bumibili ng droga sa suspek.
Nasabat ng mga awtoridad mula sa mga hinuli ang nasa walong gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P54,000.
Pahayag ni Police Capt. Virgilio Mendoza, hepe ng QCPD Police Station 15 Intel Investigation Section, "Merong confidential informant na nag-report sa ating himpilan na merong talamak na bentahan doon sa lugar. Nang ma-validate ang info, agad tayong nagkasa ng operation."
Umamin si Ragasa na maynakuha sa kanya na droga, pero hindi raw siya nagbibenta.
Giit naman ng suspek na si Ahra Lintag na naaktuhang nandoon sa lugar, "Wala pong nakuha."
Walang pahayag ang tatlo pang ibang suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News