Nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila ang aabot sa P300,000 halaga ng hinihinalang shabu, at naaresto ang isang suspek na ilang beses nang nakulong ng dahil sa droga.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nang magpositibo ang buy-bust operation, agad na inaresto ng mga operatiba ng Moriones Police Station si Nena Balita, alyas "Maddam" sa Barangay 49, Tondo, Maynila.
Ayon sa mga pulis, nakuha mula sa suspek ang mahigit sa P300,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Pahayag ni Police Maj. Mark Cristopher del Mundo, deputy commander ng Moriones, Tondo Police Station, "Meron tayong natanggap na information galing sa ating informant na ito si alyas 'Maddam' ay nagbabagsak dito sa area ng PS 2. So, agad-agad nag-conduct tayo ng buy-bust operation na nagresult sa pagkakahuli nitong suspek."
Ito na umano ang ikatlong beses na nahuli ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga, ayon sa ulat.
Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung saan kinukuha ng suspek ang kanyang suplay ng droga at kung sino ang mga kasabwat niya.
Itinanggi ni "Maddam" na nagbibenta siya ng droga. —LBG, GMA Integrated News