Hindi sigurado ang Filipino cue artist at sports legend na si Efren 'Bata' Reyes kung muli pa siyang sasali sa susunod na Southeast Asian Games matapos siyang maagang matanggal sa biennial meet na ginaganap ngayon sa Cambodia.
“Hindi ko alam,” tugon ng 68-anyon na billiard legend nang tanungin sa posibilidad na lumaban pang muli sa SEA Games.
Nitong Martes, natalo si Reyes (40-15) kontra sa pambato ng Cambodia na si Woo Donghoon sa round of 16 sa men’s three cushion carom singles.
Dahil sa naturang kabiguan kay Donghoon, natigil ang pag-uwi ni Reyes ng medalya sa SEAG mula noong 2019.
Ayon kay Reyes, unang beses pa lang niyang nakalaban si Donghoon, na isa sa mga naturalized player ng Cambodia.
“Akala ko nung una kayang-kaya ko,” ani Reyes. “Hindi, first time ko lang makalaban ‘tong Cambodia.”
Handa umano si Reyes na magparaya sa mga mas batang manlalaro ng national team.
“Hindi ko alam pero basta may players na kami na maglalaro ng karambola, papapalit na ako,” saad niya.—FRJ, GMA Integrated News