Nabisto ng mga awtoridad na may lamang dried opium poppy buds ang isang package na idineklarang “cereals” sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Depensa ng dinakip na consignee, binili niya ang mga “gamot” umano para sa kaniyang sakit sa likod.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dumating ang package mula sa Espanya noong Abril 17, na idineklarang cereals na corn flakes.
Ngunit nang idaan sa X-ray machine, nagsuspetsa ang mga awtoridad.
Nakatakda nang kunin ng consignee ang package Martes ng gabi, ngunit nagsagawa muna ng K-9 inspection sa package at inupuan ng narcotic detection dog.
Pagkabukas ng mga awtoridad sa package, tumambad ang nasa limang kilo ng dried opium poppy buds na ipinagbabawal sa bansa.
Ayon sa suspek, 15 taon na siyang nakatira sa Dasmariñas, Cavite. Umorder siya ng gamot online noong nakaraang buwan para sa kaniyang sakit sa likod, at nagbayad pa siya ng P10,000.
“Nag-order na ako ng panggamot. Hindi ko na alam talaga anong bawal ba dito. Gamot sa sakit sa likod, sabi niya gamot lang. Hindi ko na alam talaga,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section IV o importation of dangerous drugs ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News