Iniutos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bawiin at huwag ipamigay ang canned goods na kasama sa food packs na ipinapamahagi sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill matapos na may magreklamo sa de-latang tuna na kakaiba umano ang lasa at hitsura.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing kasama ang inireklamong canned tuna sa mga produktong nasa loob ng food packs na ibinigay bilang ayuda ng DSWD sa mga naapektuhan ng oil spill, base sa nakalap ng impormasyon ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.
Batay umano sa reklamo ng ilang nakatanggap ng food packs, iba ang lasa at hitsura ng canned tuna.
Maalat daw ang laman nito at nasuka pa ang isang pusa nang ipakain ang laman ng de-lata.
Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Central Office ng kagawan na makipag-ugnayan sa supplier at pag-aralan ang susunod na posibleng hakbang.
Pero nilinaw ng DSWD na hindi pa expired ang naturang produkto sa food packs.
Iniutos na rin ng alkalde ng apektadong lugar na itigil ang pamamahagi ng mga natitirang food packs na galing sa DSWD. —FRJ, GMA Integrated News