Mas mura ng higit P2 bawat litro ang sasalubong na presyo ng mga produktong petrolyo sa mga motorista sa Martes, Mayo 9, 2023.

Sa magkakahiwalay na anunsyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., inihayag na P2.20 per liter ang mababawas sa presyo ng gasolina, P2.70 sa diesel, at P2.55 sa kerosene.

Katulad na presyo rin ang ibabawas ng Petro Gazz, maliban sa kerosene na hindi kasama sa kanilang mga produkto.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na mayroong rollback na ipinatupad ang mga kompanya ng langis.

Batay sa datos mula sa Department of Energy (DOE), hanggang nitong Mayo 2, 2023, ang net increase sa gasolina ay P6.05 per liter, may net decrease na P4.35 per liter sa diesel at P4.95 per liter sa kerosene. — FRJ, GMA Integrated News