Lima ang sugatan matapos araruhin ng isang jeepney ang ilang sasakyan sa Marikina City noong Sabado.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend, na-hulicam ang aksidente sa A. Bonifacio Avenue mag-a-alas singko kahapon.
Sa dashcam makikita ang isang jeepney na malayo pa lang ay tila wala nang kontrol sa pagtakbo.
Sumalpok ito sa sasakyan sa unahan. Nahagip din ang sasakyang may dashcam bago dumeretso at nang-araro pa ng ilan pang sasakyan.
Ayon sa Marikina Police Traffic Sector, lima ang nasugatan.
Pinakanapuruhan ay ang biker na si Frederick Dacapias, na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.
"May nakita akong tumalsik na motor galing sa ere...Eh, ako naman dahan-dahan lang yung takbo ng bike ko, bigla na lang akong natamaan sa likod," ani Dacapias.
Dagdag ni Dacapias, pinrotektahan niya ang kanyang ulo gamit ang kanyang braso kaya ito ang napuruhan. Nagulungan din daw siya sa paa.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na hingan ng pahayag ang driver ng jeepney.
Pero ayon sa Marikina Police Traffic Sector, nawalan daw ng preno ang sasakyan.
Nakakulong ang driver sa Marikina City police station at nakatakda siyang i-inquest bukas. — BM, GMA Integrated News