Anim na oras naglakad sa outer space ang dalawang Russian astronaut nitong Mayo 3 para mag-ayos at maglipat ng ilang hardware na nakalagay sa kanilang lumang cargo module na Rassvet.
 
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing lumabas sa International Space Station sina Commander Sergey Prokopyev at Flight Engineer Dmitri Petelin.
 
Ginagamit ang mga cargo module para paglagyan ng maliliit na bagay na ginagamit ng mga astronaut.
 
Bukod dito, naglipat din sila ng isang experimental airlock at radiator na nasa Rassvet module.
 
Sinabi ng NASA na Mayo 2010 pa noong ikinabit ang airlock at radiator sa lumang cargo module na Rassvet, na nakatakdang ilipat sa panibagong cargo module na tinatawag nilang Nauka multipurpose laboratory module.
 
Kinabitan din ng mga astronaut ng radiator ang bagong Nauka module para hindi ito uminit.
 
Isasagawa sa tulong ng isang robotic arm na kinokontrol ng European Space Agency (ESA) ang paglilipat ng radiator at airlock sa Nauka module.
 
Muling maglalakad ang dalawang astronaut sa Mayo 12 kung saan plano nilang magkonekta ng ilang linya ng kuryente at tubig sa Nauka module.
 
Sinabi ng NASA na ito na ang ikalimang paglalakad sa space ni Prokopyev, samantalang ikatlong paglalakad ito ni Petelin. —VBL, GMA Integrated News