Arestado sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila ang lima umanong ilegal na nagbebenta ng hayop.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras,” nasagip ang ilang uri ng hayop kabilang ang isang umano’y pinapapatay para gawing gamot.

Sa Quezon City, unang nadakip ang isang lalaking nagbebenta ng parakeet o loro. Nagkakahalaga ito mula P10,000 hanggang P15,000 kung ibebenta ng mga online seller.

Nahuli rin ang isang lalaki sa Cainta, Rizal sa pagbebenta naman ng ball python. Talamak daw ang pagbebenta nito online dahil malaki ang tubo.

“Yung atin pong mga online traders, bibilhin po ng mura yung mga wildlife species tapos ibebenta po nila ng mas mahal,” ani PNP Maritime Group Northern NCR chief Police Major Robert Guttierez.

Sa entrapment operation naman sa Makati City, huli ang nagbebenta ng gecko o tuko.

Depensa ng suspek, napag-utusan lang siya.

“Pinaniniwalaan nung mga Chinese na nakakagamot ng kung ano-anong lung disease, impotence atsaka po asthma. Bawal ho ‘yun sir at kailangan po nila sir talaga na kumuha ng permit upang mag-alaga rin,” ani Guttierez.

Sa Valenzuela City, nadakip ang nagbebenta ng tarantula.

“Binenta ko lang po lahat nung mga alaga ko kasi kailangan ng pera,” ani ng suspek.

Base sa moratorium ng pulisya, lumalabas na isa ang tarantula sa pinaka-hinahanap ngayon ng mga parokyano para alagaan ito.

Paalala ng mga pulis, may batas ukol sa pag-aalaga o pagbebenta ng mga ganitong hayop.

“Kailangan po nilang kumuha ng certificate of wildlife registration sa DENR. In the event po na gusto nilang magbenta, pwede po silang kumuha ng certificate of wildlife farm sa DENR din po makakakuha nun,” dagdag ni Guttierez.—Sherylin Untalan/LDF, GMA Integrated News