Nasawi ang isang apat na taong gulang na bata habang isa ang sugatan matapos mabangga ng isang pampasaherong bus ang ilang pedestrian sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, patay sa aksidente si John Paul Rendora habang nakaligtas naman ang 12-anyos niyang kapatid na si Kimberly matapos isugod sa ospital.
Ayon kay Jesamie Rendora, kapatid ng nasawing biktima, nasa loob siya ng kanilang bahay sa ilalim ng tulay nang makarinig sila ng kalabog.
“Ang lakas talaga ng kalabog. ‘Yun pala ‘yung bus na ‘yun sumampa na sa gutter ng tulay. Pagtakbo nila, hindi na nahila ng kapatid ko ‘yung bunso namin, nadali siya ng bus,” ani Rendora.
Nanawagan si Judita Pepito, nanay ni Rendora, na panagutin ng driver ang insidente.
Wasak din ang isang SUV na huling nabangga ng bus.
Binabagtas ng bus ang Commonwealth Avenue patunong Fairview nang mangyari ang aksidente, ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector 5.
Isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na dahilan ng aksidente ang human error.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang bus driver na si Paul Peñamante, na hindi nagbigay ng pahayag.
Mahaharap ang suspek sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property with physical injury and homicide. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News