Kinubra na ng isang lalaki na tumaya ng lotto ticket sa Pasay, ang napanalunan niyang premyo na kalahati ng P33 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong March 21, 2023. Ang taya ng lalaki, dalawang pares lang ng kombinasyon na P40.00 ang halaga.

Sa Facebook page ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing ang lalaking tumaya sa Pasay, ay isa lang sa dalawang nanalo ng jackpot prize sa nasabing draw.

Tinayaan naman sa San Mateo, Rizal ang winning ticket na tumama para sa mga numerong 12-29-35-34-13-08.

Sinabi umano ng lalaki na dalawang dekada na siyang tumataya sa lotto, at alaga umano niya ang tumamang mga numero.

Plano raw ng lalaki na gamitin ang napanalunan para magbayad ng utang, mag-invest sa negosyo at tulungan ang kaniyang pamilya.

"Ito po ay malaking pagbabago sa aming buhay," sabi umano ng lalaki sa inilabas na pahayag ng PCSO.

Sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, kakaltasan ng 20% tax ang jackpot prize.

Pinaalalahanan din ng PCSO ang mga nananalo sa lotto na kubrahin ang kanilang premyo sa loob ng isang taon upang hindi ma-forfeite at ilagay sa PCSO Charity Fund na nakasaad sa PCSO Charter.

Sa lotto draw nitong Huwebes, Mayo 4, 2023, walang tumama sa Superlotto 6/49, na may premyong P15,840,000.00, at ang lumabas na mga numero ay 33-14-47-13-38-35.

Wala ring nanalo sa kasabay nitong draw na Lotto 6/42, na ang lumabas na mga numero ay 06-01-04-11-19-22, at may premyong P28,224,209.80.

Sa Biyernes, Mayo 5, 2023, mayroong bola para sa Megalotto 6/45 na ang nakaraang premyo na hindi pa rin tinatamaan ay umabot na sa P169,766,543.20.

Ang magiging kasabay nitong draw na Ultra Lotto 6/58 ay inaasahang aabot na rin sa mahigit P100 milyon ang premyo. --FRJ, GMA Integrated News