Pinupuntirya na rin umano ng mga kawatan sa Maynila ang mga electric bike o e-bike na nakaparada sa labas ng bahay.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa ginawang pagtangay ng dalawang kawatan sa isang e-bike na nakaparada sa labas ng bahay sa Malate, Manila.
“Tiyak may nakakakilala riyan. Kung sino man ang nakakakilala, bigay niyo sa pulis para matigil na ‘to,” ani Jaime Adriano, Barangay 719, Zone 78 Chairman.
“Yung ating backtracking, ‘yung ating follow up, hindi tayo titigil hanggat hindi nahuhuli ang mga gumawa ng krimen,” ani naman ni Manila Police District spokesperson Police Major Philip Ines.
Ayon sa MPD, hindi ito ang unang beses na may matangayan ng e-bike sa lungsod.
“Dinidistrungka lang ang susian, nagawa nila matangay ang mga ebike na ito. Mas matipid ito, nakita natin very convenient na gamitin, icha-charge lang siya,” dagdag ni Ines.
Nabiktima rin ng mga kawatan ang government employee na si Rowena Buhain, isang person with disability (PWD).
Hirap mag-commute si Buhain kaya kumuha siya ng e-bike.
“Dalawa po yung kumuha, napaandar po nila, itong huli, nangyari madaling araw naman. Mga mag-a-alas dos na po. Nakita sa CCTV," kuwento niya.
Sa ngayon, pinaiimbestigahan na raw ng barangay sa pulisya ang natanggap nilang impormasyon kung saan ibinabagsak ang mga ninanakaw na e-bike.
“Lagyan po natin ng double lock kung walang sariling paradahan, ilagay natin sa well lighted na area,” paalala ni Ines sa mga may-ari ng e-bike. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News