Arestado ang isang lalaki na nanloob sa isang townhouse sa Quezon City matapos siyang matunton sa GPS ng isa sa mga gadget na kaniyang ninakaw. Ang suspek, huli sa CCTV na kumain, uminom at nanigarilyo pa sa loob ng bahay.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si John Daniel Manlapaz, na nahuli-cam na dumating sakay ng motorsiklo sa isang bahagi ng Brgy. Obrero madaling araw ng Miyerkoles.

Pumasok ang lalaki sa loob ng compound, tumingin sa paligid, saka binuksan ang bintana at sumilip sa loob. Ilang saglit pa, mabagal na siyang pumasok sa isang townhouse.

Sa isa pang anggulo ng CCTV,  mapapanood ang suspek na may bitbit nang mga gamit habang pababa ng hagdan.

“Almost an hour and a half siya sa bahay, kumain pa siya, uminom pa siya ng tubig tapos nagyosi pa sa loob ng kwarto,” sabi ng biktimang nangungupahan sa bahay.

Nadakip ang 23-anyos na suspek sa Caloocan City sa pamamagitan ng GPS ng gadget na kaniyang ninakaw. Nabawi mula sa kaniya ang isang baril na walang lisensiya na kargado ng mga bala.

Nabawi ang mga ninakaw na gamit ng suspek na nagkakahalaga ng mahigit P380,000. Pero ang isang gintong bracelet, hindi na nabawi dahil naisangla na.

Ang suspek din ang nasa likod ng pagnanakaw sa isa pang townhouse sa Brgy. Balingasa noong Lunes.

Naglalaman ang bag ng P30,000 at mga mamahaling relo.

Nabilanggo na rin si Manlapaz sa kasong direct assault ngunit nakalaya noong Disyembre.

“Dala lang ng pangangailangan sa financial po,” sabi ni Manlapaz.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation para maaresto ang kaniyang kasamahan. —LBG, GMA Integrated News