Hindi nakapalag ang isang babaeng fixer umano nang arestuhin siya sa Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing inereklamo ang suspek ng pangingikil ng isang negosyanteng nagpalakad sa kanya ng permit at dokumento.

Nagkasa ang operasyon ang mga tauhan ng Manila Special Mayor's Reaction Team (SMART) at hinuli ang suspek sa aktong pagbibilang ng marked money.

Pakilala raw ng suspek na si Melody Larueano na naglalakad siya ng iba't ibang permit at dokumento kapalit ng pera.

Nagduda umano ang negosyante dahil nabayaran na niya ang dapat bayaran sa mga dokumento pero wala pa siyang natatanggap na papeles na kanyang ipinalalakad.

Humingi pa umano ng karagdagang pera ang suspek sa biktima. Umabot na raw sa P40,000 ang nakuha ng suspek sa biktima na nag-a-apply ng buisness permit.

Narekober mula kay Laureano ang anim na ID na may iba't ibang pangalan pero pare-pareho ang litrato.

Nagpakilala siya na si Arlyn Dela Cruz, pero na-verify na ng mga pulis na siya si Melody Laureano.

Itinatanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya. Aniya, "Nagpa-process po ako ng mga dokumento pero legal naman po. Lahat po ng mga dokumento ay nabi-verify nila mismo kapag nai-release na sa kanila."

Ayon kay Police Maj. Dave Garcia, Deputy Chief, MPD SMART, "Baka may ka-conive siya kasi paano siya makakuha ng resibo na same yung control number pero iba yung details. Tinitingnan natin yung aspeto na yan kung meron siyang ka-conive dito sa LGU (local government unit)."

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na huwag basta magtitiwala pagdating sa mag-aayos ng permit o anumang dokumento. Seguraduhing makikipag-usap lamang sa mga kumpirmadong mga empleyado ng LGU o anumang government agency, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News