Tinatayang nasa 100 bahay ang natupok sa sunog sa Barangay Don Bosco sa Parañaque City madaling-araw nitong Huwebes.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, sinabing parehong commercial at residential areas ang naapektuhan ng sunog.
Ayon sa ulat, mabilis na kumalat ang apoy sa Tropica Compound ng nasabing barangay, kaya sa pagitan ng ilang minuto lamang inakayat na kaagad sa ika-limang alarma ang sunog, hudyat ito na dapat higit sa 20 firetrucks ang dapat rumesponde.
Walang halos naisalbang ari-arian ang ilan sa mga nasunugan, ayon sa ulat.
"Ang bilis ng pangyayari e, wala pang isang oras," pahayag ni Rosalita Cabag, isa sa mga nasunugan.
Bukod sa mga kabahayan, natupok din ng apoy ang isang warehouse ng mga furniture, ayon sa ulat.
Nakontrol ang sunog pasado alas-dos ng madaling-araw.
Pahayag ni Fire Inspector Ernesto Wanawan, Jr. ng Bureau of Fire Protection (BFP) Parañaque, "Wala po tayong major casualties, puro minor lang. Ang estimate natin sa damage to property ay P1.5 milyon ... more or less."
Aabot sa 100 bahay ang natupok habang nasa 300 residente naman ang apektado, ayon sa ulat.
Nagdeklara ang BFP ng fire out dakong 4:46 ng umaga. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng apoy, dagdag ng ulat. —LBG, GMA Integrated News