Anak ng labandera at magsasaka, at benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pamilya ang nanguna sa 2023 Civil Engineering Licensure Examination.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang nanguna sa naturang pagsusulit na si Alexis Castillo Alegado, mula sa simpleng pamilya sa Paoay, Ilocos Norte.
Magsasaka ang ama ni Alexis, labandera ang kaniyang ina, at may tatlo pa siyang kapatid. Kaya naman nagpursige siya sa pag-aaral hanggang makatapos na cum laude sa Mariano Marcos State University.
"Basta may determinasyon ka. Huwag mong hayaang 'yung kahirapan pipigil sa'yo," ayon kay Alexis.
Isa pa sa mga board passer si Shemiah Pineda, na beneficiary rin ng 4Ps mula naman sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ang 4Ps ay programa ng pamahalaan na may kaakibat na tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya na may anak na nag-aaral.
"Ito po talaga ang nais ng programa to break the intergenerational poverty. Pinanganak kang mahirap, lumaking mahirap, magkakapamilya na mahirap pa rin," ayon kay Department of Social Welfare and Development Asec. Romel Lopez.
"Hindi ho ito 'yung sa pocket money mo, panggastos mo. Hindi po. Talaga pong nakatutok tayo sa nutrition edukasyon at sa health ng mga bata nang sa ganun mabigyan sila ng fighting chance ika nga," dagdag niya.
Ayon kay Lopez, 30,000 beneficiaries ng 4Ps ang nakapagtapos sa kolehiyo, at 11,000 ang "gainfully employed."
Umaabot sa P102 bilyon bawat taon ang kailangan na pondo para sa naturang programa.
"Ang panawagan natin sa mga magulang na kabilang po sa programa, at lalo't lalong na sa mga bata, sila po talaga ang target nito, hindi si mommy at daddy, na sana po eh pagyamanin kung ano man po 'yung napag ambagan ng taumbayan, sambayangang Pilipino, kasi ito po ay pribilehiyo ho eh, hindi ho ito right, ika nga," anang opisyal. —FRJ, GMA Integrated News