Isang lalaki na namasukan bilang pahinante ng truck sa isang warehouse sa Pasig ang biglang naglaho matapos umanong tangayin ang pera na nasingil nila para sa delivery ng mga produkto.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mag-i-isang buwan pa lang na nagtatrabaho bilang pahinante sa bodega ng mga grocery items ang suspek na si Alvin Lariba, 25-anyos.
Pero makaraang mag-deliver ng mga produkto sa Bulacan nitong nakaraang araw kasama ang driver at isa pang pahinante, hindi na pumasok sa trabaho ang suspek.
Dala umano ni Lariba nang umalis sakay ng bisikleta ang pera na dapat nilang ire-remit sa opisina.
"Sabi niya, kakain muna siya. Nagpasabay pa ako ng pabili ng ulam. Siguro, mag-i-isang oras na, wala nang dumating na Alvin," ani Eleuterio Alesna, driver.
Ang pahinante rin na si Mario Delos Angeles, sinabing palabiro raw si Lariba at hindi niya inakala na magagawa ng suspek ang pagtangay sa pera.
Ayon kay Alesna, mayroon umanong problema sa bahay ang suspek at pinagsasabihan raw ito ng ama na itigil na ang bisyo dahil mayroon na itong pamilya.
Naghain na ng reklamo sa pulisya ang may-ari ng bodega, at nanawagan sila sa suspek na magpakita at isauli ang tinangay nitong pera. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News