Timbog ang isang lider umano ng criminal group na bukod sa suspek sa mga kaso ng pagpatay ay sangkot din umano sa pagbebenta ng ilegal droga at gun-for-hire.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Mark Anthony Saragoza, lider umano ng Saragoza Criminal Group, na dinakip sa sa Marilao, Bulacan.
Matagal nang wanted ng Navotas police si Saragoza, na nasa likod ng pagpatay sa isang lalaki noong Disyembre 2021 dahil sa onsehan umano sa droga.
Si Saragoza rin ang suspek sa pagpatay sa isang Reginald Jacobe noong Pebrero 19, 2022, at Elpidio Diocades na pinaslang noong Abril 23.
Ayon sa Navotas police, hindi nakapag-remit ang mga biktima ng mga ipinabebenta sa kanilang shabu ni Saragoza.
Dagdag pa ng pulisya, hindi lang tatlo umano ang napatay ng suspek.
Nabawi ng mga awtoridad ang isang blue book na naglalaman umano ng mga transaksyon sa droga ni Saragoza.
Nakabilanggo sa Navotas police si Zaragosa na itinanggi ang pagkakasanggot sa mga krimen.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News