May mga nakansela at naantalang biyahe ng ilang eroplano sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes ng umaga dahil sa problema sa suplay ng kuryente.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, iniulat ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nagkaroon ng power fluctuation dakong 1:05 a.m.

Sa inilabas na pahayag ng NAIA, sinabi nito na ang power outage ay nangyari sa Terminal 3. Kaya asahan umano ang pagkakaantala ng ilang flights dahil standby power lamang ang ginagamit para magsuplay ng kuryente sa lugar.

“Standby power is now supplying  electricity to critical facilities enabling computer systems of airlines and Immigration to function partially and enable processing of both inbound and outbound passengers,” paliwanag ng NAIA.

“As a result, delayed flights shall be expected,” dagdag nito.

Naibalik naman umano ang kuryente dakong 8:46 a.m., ayon sa tweet ni Joseph Morong, base sa pahayag ni MIAA General Manager Cesar Chong.

Sa Facebook post, sinabi ng NAIA na 46 domestic flights ng Cebu Pacific ang nakansela dahil sa nangyaring aberya.

Mayroon ding mga biyahe na naantala, ayon sa CAAP:

5J 374/375 Manila-Roxas-Manila
5J 452 Iloilo-Manila
5J 448 Iloilo-Manila
5J 961/962 Manila-Davao-Manila
5J 963/964 Manila-Davao-Manila

Sinabi ng NAIA na inaalam na ng engineering team mula sa MIAA at technical personnel mula sa Meralco  ang dahilan ng power failure.

Sa panayam ng Dobol B TV, inihayag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, na walang naging problema sa kanilang bahagi bilang electric power distributor.

“Initial indications point out na, as far as Meralco is concerned, doon sa mismong area kung nasaan nandoon ang Terminal 3, wala naman kaming problema,” saad niya. “Yung tinitingnan lang namin ngayon ano ba ang nag-cause dito.”

Humingi naman ng paumanhin ang MIAA sa mga naperwisyong pasahero sa panibagong aberya na nangyari sa paliparan.

Inihayag naman ng CAAP na inaasahan ang recovery flights para sa mga pasahero na naapektuhan ng aberya.

Sa inilabas na abiso ng MIAA, sinabi ng CAAP na tanging domestic flights lang ang naapektuhan ng power outage at hindi nadamay ang mga international flight.—FRJ, GMA Integrated News