Isang posibleng malagim na trahedya ang naiwasan dahil sa alistong 13-anyos na estudyante na kinontrol ang sinasakyang school bus nang biglang mawalan ng malay ang driver nito sa Michigan, USA.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, ipinakita ang kuha sa surveillance camera sa loob ng bus na may sakay na 70 kabataang estudyante, kasama ang itinuturing bayani na si Dillon Reeves, Grade 7 student, ng Lois E. Carter Middle School sa Warren.

Bago mawalan ng malay, makikita ang driver na tila may kausap sa two-way radio habang pinapaandar ang bus. Humihingi na pala siya ng tulong sa kaniyang kausap dahil masama na ang kaniyang pakiramdam.

Pero maya-malaya lang, nawalan na ng malay ang driver at nabitawan na niya ang manibela.

Mabuti na lang at kaagad na napansin ni Reeves ang nangyayari at hinawakan niya ang manibela.

Nagawa rin niyang maitigil ang sasakyan sa gitna ng kalsada gamit ang handbrake.

Kasunod nito ang pag-utos niya sa ibang kasama niya sa bus na tumawag sa emergency 911.

Pinuri ni Warren city councilor Jonathan Lafferty ang ginawa ni Reeves na itinuturing niyang bayani.

"This young man jumped into action when his school bus driver experienced a medical emergency, bringing the bus to a stop and avoiding what could have been a very tragic accident," anang opisyal.

Nadala naman sa pagamutan ang driver na nawalan ng malay. -- FRJ, GMA Integrated News