Lima ang patay--kabilang ang isang batang walong-taong-gulang-- matapos silang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay na una nilang sinaway dahil sa ingay na idinudulot ng pagpapaputok ng baril sa Cleveland, Texas.
Sa ulat ng Reuters, sinabing pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na si Francisco Oropeza, 38-anyos.
Ayon kay San Jacinto County Sheriff Greg Capers, isang AR-15-style semiautomatic rifle ang ginamit ni Oropeza sa krimen.
"We are tracking him with dogs and men on horseback and drones in the air," ani Capers.
Batay sa lumabas na mga ulat, sinabi umano ni Capers na "almost execution-style" ang ginawang pagpatay ng suspek sa mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo.
Pawang mula sa Honduras ang mga biktima, ayon sa pulisya.
Kinilala ng Federal Bureau of Investigation ang mga biktima na sina Sonia Argentina Guzman, 25; Diana Velazquez Alvarado, 21; Julisa Molina Rivera, 31; Jose Jonathan Casarez, 18; at Daniel Enrique Laso, 8.
Ayon sa isang opisyal ng Capers' police office, nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad tungkol sa panggugulo dakong 11:31 p.m. Pero nang dumating ang mga pulis sa lugar, nabaril na ang mga biktima.
Sampu katao umano ang nakatira sa bahay na pinangyarihan ng krimen. Nakaligtas ang limang iba pa.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Capers, na Biyernes ng gabi nang lumabas ng bahay ang suspek at nagpaputok ng baril sa bakuran nito.
Ilan sa mga biktima ang kinompronta ang suspek dahil sa ingay na idinudulot ng pagpapaputok nito ng baril.
"The man walked over to the fence, said 'Hey, we're trying to keep the baby asleep in here,'" sabi ni Capers.
Bumalik umano sa kani-kanilang bahay ang mga biktima at ang suspek. Pero hindi nagtagal, muling lumabas si Oropeza at pinagbabaril na ang mga biktima.
Dati na umanong inireklamo si Oropeza dahil sa pag-iingay nito dulot ng pagpapaputok ng baril, ayon kay Capers. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News