Sa kauna-unahang pagkakataon, pinayagan ng Health ministry ng Japan ang pagbebenta sa kanila ng abortion pill.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing legal ang aborsiyon sa Japan na hanggang sa 22 linggo ng ipinagbubuntis. Pero kailangan ang pagsang-ayon ng asawa o partner, at tanging isinasagawa lang sa pamamagitan ng surgical procedure.
Sa ipinadalang abiso ng Health minister sa mga healthcare official nitong Biyernes, ipinaalam ang pag-apruba sa naturang abortion pill na gawa ng British pharmaceutical company na Linepharma.
Disyembre 2021 nang hingin ng drugmaker ang pag-apruba ng Japan na maibenta sa kanilang bansa ang gamot.
Naibebenta na ang katulad na gamot sa ibang mga bansa gaya ng France, na unang nag-apruba sa abortion pill noong 1988, at ang Amerika mula pa noong taong 2000.
Ang pag-apruba sa abortion pill ay para hindi matuloy ang hanggang sa siyam na linggong ipinagbubuntis. Ayon sa National broadcaster NHK, ang halaga ng abortion pill at medical consultation ay tinatayang nagkakahalaga ng 100,000 yen ($700).
Ang surgical abortions ay umaabot umano ang gastos sa 100,000 hanggang 200,000 yen. Hindi sakop ng kanilang public health insurance ang aborsiyon.
Isinusulong din umano sa Japan ang madaling pagbili ng "morning-after pill," para maiwasan ang pagbubuntis.
Sa ngayon, hindi umano basta nabibili ang "emergency contraception" nang walang pahintulot ng duktor. Sa botika rin lang mabibili ang gamot para hindi maibenta sa black market. — AFP/FRJ, GMA Integrated News