Tinupok ang nasa 600 tindahan matapos sumiklab ang isang sunog sa Pritil Market sa Maynila Biyernes ng gabi. Ang isang lalaki, kinuyog matapos magnakaw umano sa gitna ng sunog.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang pag-apula ng mga bumbero sa nasabing pamilihan.
Agad itinaas sa Ikaapat na Alarma ang sunog dahil sa bilis na pagkalat ng apoy.
Dahil sa pagkataranta, hindi malaman ng ilang residente kung sino ang kanilang tatawagan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na sa mid-section sa ground floor nagsimula ang apoy.
“Ang palengke po meron pong mga flammable materials like mga mantika. Naririnig din po natin na may mga pagsabog, so meron din po silang natatabing mga LPG. Kaya bigla talagang ang laki ng sunog,” sabi ni Senior Inspector Alejandro Ramos, Chief, Intelligence and Investigation Section ng Manila Fire District.
Walang naitalang nasawi sa sunog, at wala ring nasaktan, maliban sa isang lalaki na nakuyog matapos magnakaw sa kasagsagan ng sunog.
Idineklara ng PNP ang fire under control bandang 4 a.m. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News