Nasakote ng mga awtoridad sa follow-up operation ang mga suspek sa likod ng pagnanakaw sa high-end na cellphone at gadget shop sa isang shopping mall sa Pasig City. Ang natangay na mga gamit ng mga kawatan, aabot umano sa milyong piso ang halaga.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing kabilang sa mga nadakip na suspek ay ang ang pinagbentahan ng ilang ninakaw na paninda.
Ayon sa Pasig Police, pinasok ng mga suspek ang tindahan sa shopping mall dakong 9:00 am ng umaga habang sarado pa ito. Gumamit pa raw ng bolt cutter ang mga suspek para mapasok sa shop.
“Using bolt cutter, dinistrongka, nabuksan niya and from there, diretso sa stock room kung nasaan ang gadgets,” ani Pasig Police spokesperson Police Captain Resel Guevarra.
Nakuhanan sa CCTV camera ang plaka ng get-away vehicle ng mga suspek, at natunton nila ang may-ari nito sa Pampanga.
“‘Dun nila na found out na ‘yun pala vehicle na ‘yun nirentahan ng isang alias “Jerard”. They asked for the GPS para ma-locate, later, they found out na nasa Tondo [Manila] na,” ani Guevarra.
Lumalabas sa imbestigasyon na nirentahan ng suspek ang sasakyan sa loob ng tatlong buwan.
Hanggang sa matunton na ang sasakyan at naharang ang suspek. Nadakip din ang iba pang kasama kinalaunan.
Nabawi mula sa mga suspek ang ilan sa mga ninakaw na gamit, gaya ng mga smart watch, smart phone, laptop, at cellphone.
Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News team na makunan ng panig ang mga nadakip.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga second hand gadgets na walang resibo na maaaring nakaw at maaari silang makasuhan ng paglabag sa Anti Fencing Law.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News