Pinaigting pa ng New York City ang kanilang "digmaan" laban sa mga daga, at nagtalaga na sila ng kauna-unahang nilang "rat czar."
Nitong Miyerkules, inanunsyo ni Mayor Eric Adams ang pagkakatalaga kay Kathleen Corradi, isang education department employee, bilang "rat czar" ng kanilang lungsod, ayon sa ulat ng Reuters.
Misyon ni Corradi na ibaba ang populasyon ng daga sa New York.
“You’ll be seeing a lot of me - and a lot less rats,” deklara ni Corradi, na ang opisyal na titulo ng bago niyang trabaho ay “citywide director of rodent mitigation.”
“There’s a new sheriff in town,” sabi pa niya sa ipinatawag na news conference.
Nauna nang nagpahayag ng galit si Mayor Adams sa mga daga, at nag-alok ng annual salary ng mula $120,000 hanggang $170,000, sa sino mang "somewhat bloodthirsty" at may "general aura of badassery" sa mangunguna sa kampanya laban sa mga daga.
Dating guro si Corradi, na minsan na ring sumagupa sa mga daga nang pamunuan niya ang kampanya laban sa mga daga sa mga paaralan sa lungsod.
Sa nakalipas na mga taon, lumabas sa datos ng lungsod na naging madalas na nakikita ang mga daga sa kanilang lugar.
Paniwala ng ilang opisyal, nakadagdag sa problema sa daga ang pagdami ng sidewalk dining, na naging kapalit ng pagsasara ng mga restaurant dulot ng COVID-19 pandemic.
Nagpatupad na ng mga programa si Adams sa paglaban sa mga daga na tinatawag na “No. 1 enemy” ng New York.
Sa nakalipas na mga buwan, nagpagtupad ang lungsod na limitasyon kung ilang oras lang dapat tumagal ang mga basurahan sa gilid ng kalsada at dapat na itong makolekta.
Bukod pa sa composting program para mabawasan ang mga itinatapon na pagkain. -- Reuters/FRJ, GMA Integrated News