Iniutos ng Muntinlupa court na arestuhin sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dati niyang deputy officer na si Ricardo Zulueta, kaugnay sa pagkamatay ni Jun Villamor, ang umano'y middleman sa pananambang at pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ang arrest warrant laban kina Bantag at Zulueta ay pirmado ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 presiding judge Gener M. Gito.
Nakasaad sa arrest warrant walang piyansa na inirerekomenda sa dalawang dating opisyal para sa kinakaharap na kasong murder kaugnay sa pagkamatay ni Villamor.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong, kaugnay sa utos na pag-aresto ng korte sa kaniyang kliyente.
Sinabi naman ng abogado ni Zulueta na si Atty. Lauro Gacayan, na wala pa silang natatanggap na arrest warrant, at hindi pa niya nakakausap ang kaniyang kliyente.
Noong Marso 14, isinampa sa korte ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang kasong two counts of murder laban kina Bantag at Zulueta, kaugnay sa pagpatay kina Lapid at Villamor.
Binaril at napatay si Lapid sa Las Piñas City noong October 3, 2022, habang pinaslang si Villamor sa New Bilibid Prison noong October 18, 2022.
Sa isinagawang awtopsiya ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun sa mga labi ni Villamor, lumabas na pinatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa ulo nito hanggang sa hindi makahinga.
Nauna nang itinanggi nina Bantag at Zulueta ang mga alegasyon laban sa kanila.—FRJ, GMA Integrated News