Nagmistulang "Tondo Resort" ang Tondo sa Maynila, matapos mag-setup ang mga residente ng mga inflatable pool sa labas ng mga kalye at magtampisaw sa tubig para labanan ang matinding init ngayong summer.
Sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood na kaliwa't kanan ang mga inflatable pool sa Lacson at Capulong Street habang masayang naliligo ang mga magkakapitbahay doon.
Kaya hindi maiwasan ng ilang netizens na tawaging “Tondo Resort" ang viral pool party.
Pero sa pagtatapos ng Holy Week break, binaklas na rin ang mga inflatable pool para lumuwag ang kalsada.
Kasabay nito, pasakit sa mga customer ng Maynilad ang nararanasang araw-araw na water interruption.
Paliwanag ng Maynilad, humina ang daloy ng tubig sa kanilang Novaliches portal sa Quezon City.
Sinabi naman ng Manila Water na nananatiling sapat at 24/7 ang kanilang supply sa East Zone, maliban kung magsasagawa ng mga preventive at regular maintenance at emergency repair services.
Ayon sa latest monitoring ng PAGASA, patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat, Ambuklao, Binga, San Roque, Pantabangan at Magat Dam sa Luzon.
Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na maging masinop sa paggamit ng tubig. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News