Timbog ang dalawang lalaki matapos nilang nakawin umano ang mga kolong-kolong na ginagamit pang-deliver sa Quezon City. Ang lalaking kanilang pinagbentahan, hinuli rin.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing ninakaw ng isa sa mga suspek ang isang kolong-kolong na nakaparada sa labas ng isang water refilling station, ngunit nahagip siya sa CCTV na minamaneho ito sa AFP Road sa Barangay Holy Spirit.
Makalipas ang ilang oras, isa na namang kolong-kolong ang ninakaw sa barangay, na ginagamit naman pang-deliver ng isang hardware store.
Isinaad ng may-ari na nakaparada lang sa labas ng kaniyang bahay ang sasakyan.
Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at nadakip sina Jerickson Balon at Laurence Avila.
Nabawi sa mga suspek ang kolong-kolong na ninakaw sa hardware store, pero wala na ang sidecar nito.
Samantalang naibenta na ng mga susek ang kolong-kolong ng water refilling station, na natunton ng mga awtoridad sa North Caloocan.
Sidecar na lang ang natira at chop-chop na ang motorsiklo.
Dinakip din ang pinagbentahan ng mga suspek na si Ferdinand Ronquillo.
Dagdag ng pulisya, may nakuha pa umanong sumpak mula kay Avila.
Dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
“Pangangailangan lang po kasi para sa pamilya po, kaya namin nagagawa ang ganiyang bagay,” sabi ni Balon.
“Para sa pangangailangan, pagkain. Kasi walang trabaho,” sabi ni Avila.
Samantalang iginiit ni Ronquillo na hindi niya alam na nakaw ang ibinenta sa kaniya na kolong-kolong, na kaniyang binili sa halagang P1,500. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
2 lalaking nagnakaw ng mga kolong-kolong para i-chop-chop at ibenta sa QC, arestado
Abril 11, 2023 2:36pm GMT+08:00