Pinuntahan ng mga awtoridad sa dagat habang nangingisda ang isang 17-anyos na lalaki sa inakusahang nanggahasa sa isang babaeng menor de edad na nakilala niya sa social media.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing pumalaot ang mga pulis sakay ang motorboat para puntahan ang suspek na sakay ng isang bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Navotas.
Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong rape na nangyari noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP Maritime Group Chief Police Major Robert Alvin Guttierez, nagkakilala ang biktima at suspek sa social media.
Nangyari umano ang panghahalay nang magkasundo ang dalawa na magkita na at nagpunta ang biktima sa bahay ng suspek sa Navotas noong Pebrero 2022.
“May pamu-mwersa na nangyari, kaya nagreklamo siya. ‘Yung ating victim, agad na nakapagsumbong sa police station, kaya nag-prosper ang kaso, nilabasan agad ng warrant ang suspek Hunyo nuong nakaraang taon,” ani Guttierez.
Dahil walang magulang, guardian at abogado, hindi pinahintulutan ng pulisya na makuhanan ng pahayag ang suspek na menor de edad. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News