Nagbitiw sa kaniyang puwesto ang pinuno ng Highway Patrol Group (HPG) na si Police Brigadier General Clifford Gairanod, matapos na alisin sa puwesto ang kaniyang anak na pulis din at nasasangkot ngayon sa kontrobersiya.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nagbitiw sa puwesto si Gairanod para bigyan-daan ang gagawing imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa "pinning" video na tila nananakit ng trainee ang kaniyang anak na si Police Captain Clifton Gairanod.
Nag-viral kamakailan ang video na makikita ang trainee na nakaluhod, habang tila sinusuntok siya sa dibdib ng isang opisyal na nasa kaniyang harapan.
Nangyari umano ang insidente sa pagtatapos ng mga trainee sa Executive Motorcycle Riding Course sa Sariaya, Quezon.
Ngunit hindi umano panununtok ang ginagawa ng opisyal sa nagtapos na trainee kung hindi ang paglalagay o "pinning" ng rider's badge sa mga nagtapos.
Pero madidinig sa video na ininda ng trainee ang malakas na "paglalagay" ng kaniyang rider's badge. Sinasabing ang nakababatang si Gairanod ang naturang opisyal.
Bukod kay Clifton, inalis din ng nakatatandang Gairanod ang iba pang kasama sa training team na sangkot sa kontrobersiya bago siya nagbitiw.
“It pains me in the heart, I relieved my son and had him investigated together with our other training team,” ayon kay Gen. Gairanod.
“May ganun talaga (na bahagi ng tradisyon) ma'am na we pin the rider's badge on the breast of the graduates. Then they will go around the ‘tigers’ or the alumni of the course and all the HPG instructors to give them pounding on the chest,” paliwanag pa ng nakatatandang Gairanod.
Ayon pa sa opisyal, may mga nagtapos na humihiling na lakasan ang paglalagay ng pin.
“Some are requesting na lakasan, some are requesting na normal, some are requesting na gusto nila malakas talaga kasi proud sila na pin-an,” paliwanag ni Gen. Gairanod.
Pinaiimbestigahan na rin ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa Internal Affairs Service ang insidente.
Pinaalala din niya ang mga pulis na sundin lagi ang batas at patakaran sa lahat ng kanilang ginagawa. --FRJ, GMA Integrated News