Pinangunahan ng real estate tycoon na si Manuel "Manny" Villar Jr. ang 14 na Pinoy na nakasama sa  Forbes’ Billionaires 2023 list ng mga pinakamayayamang tao sa mundo.

Pang-232 sa listahan ng richest person in the world si Villar, 73-anyos, na mayroong $8.6 bilyon na yaman. Nanguna sa naturang listahan ang luxury goods tycoon na si Bernard Arnault, na mayroong $211-billion net worth.

Tinataya ng Forbes na ang real-time net worth ni Villar ay nasa $9 bilyon hanggang nitong April 4, 2023, kaya mas tataas pa sa 215th ang puwesto niya sa listahan ng richest person sa mundo.

Ito ang ika-limang sunod na taon na naitala si Villar bilang pinakamayamang Pinoy sa naturang listahan, matapos pumanaw si Henry Sy Sr. ng SM Group, noong 2019.

Sumunod kay Villar ang International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) chair na si Enrique Razon Jr., na may $7.3-billion net worth, na nasa pang-312 ng listahan ng richest person sa mundo.

Nasa ikatlong puwesto ng pinakamayamang Pinoy ang San Miguel Corp.’s (SMC) chairman and president na si Ramon Ang, na umaabot sa $3.4-bilyon ang net worth. Nasa pang-852 siya sa richest person in the world list.

Si Henry Sy, Jr, chairman ng SM Prime Holdings at co-vice-chairman ng SM Investments Corp. (SMIC), na may $2.5-billion net worth, ang nasa ika-apat na puwesto sa listahan ng mga Pinoy, at pang-1,217 naman sa world list.

Pasok din sina Andrew Tan ( $2.5-billion net worth- pang-1,217); Hans Sy at kapatid niyang si Herbert Sy, at si  Lucio Tan (magkakaparehong $2.4 bilyon ang net worth-pang-1,272); ang iba pa sa magkakapatid na Sy na sina Harley Sy at Teresita Sy-Coson (tig-$2.2 billion-pang-1,368);  gayundin ang kapatid nilang si Elizabeth Sy ($1.9 bilyon-pang-1,575); Lance Gokongwei ($1.4 billion net worth-pang-2,020); Tony Tan Caktiong (may $1.2 bilyon-pang-2,259); at si Iñigo Zobel ($1-billion net worth, pang-2,540).

Sa global list na pinangunahan ni Bernard Arnault, na may $211 bilyon na yaman, sumunod sa kaniya sina Elon Musk ($180 bilyon), Jeff Bezos ($114 bilyon), Larry Ellison ($107 bilyon), at Warren Buffett ($106 bilyon).

Ayon kay Forbes senior editor Chase Peterson-Withorn, halos kalahati ng nakapasok sa kanilang listahan ay nabawasan ang yaman kumpara noong nakaraang taon.

“It’s been another rare down year for the planet’s richest people,” ani Peterson-Withorn. “Nearly half the list is poorer than they were 12 months ago, but a lucky few are billions — or even tens of billions — of dollars richer.” —FRJ, GMA Integrated News