Bumaba sa 7.6% ang inflation rate nitong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules. Ang inflation ang panukat sa bilis ng pagmahal sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa virtual press conference, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, na ang pagbaba ng inflation nitong Marso kumpara sa 8.6% noong Pebrero, ay bunga ng mabagal na paggalaw sa presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
Mula sa 10.8% na inflation Food and Non-Alcoholic Beverages noong Pebrero, nabawasan ito sa 9.3%. Bumagal din ang rate increase sa mga gulay (20% mula sa 33.1%), karne (4.6% mula sa 6.5%), at sugar and other confectionery (35.2% mula sa 37%).
“Ang pangalawang nag-ambag sa pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Transport na may 5.3% inflation at 29.8% share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa nitong Marso 2023,” paliwanag ng opisyal.
Maging ang iba pang hanay ng produkto at serbisyo ay bumagal din, ayon sa PSA. Kabilang dito ang Housing, Water, Electricity, Gas at Other Fuels, (7.6% mula sa 8.6%).
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, na kailangan pa ring tutukan ang inflation kahit nagsisimula na itong humupa.
“Protecting the purchasing power of Filipinos, especially the most vulnerable sectors of the economy, is one of the top priorities of the administration, which we have also laid out in the Philippine Development Plan 2023-2028,” ani Balisacan.
“We are committed to provide policy advice and anticipatory recommendations that are supported by data to manage inflation and protect the Filipino families,” dagdag pa niya. --FRJ, GMA Integrated News