Sa kulungan ang bagsak ng isang holdaper matapos siyang manghablot ng cellphone ng isang 14-anyos na Grade 8 student at gumamit ng cutter para takutin ito sa Rizal Park sa Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng biktima na naglalakad sila ng kaniyang mga kaklase sa bahagi ng Taft Avenue Martes ng hapon nang mangyari ang panghahablot ng suspek sa kaniyang cellphone.
Inilabas niya ang kaniyang phone para sabihan ang kaniyang mga magulang na kakain muna silang magkakaibigan bago umuwi.
“Magta-type pa lang po sana ako, biglang may humablot sa cellphone ko and tinamaan ako ng kamao sa dito (pisngi) ko po,” anang biktima.
Sinubukan pa ng biktima na tawagin ang pansin ng holdaper pero naglabas ito ng cutter.
“Andito po sa tagiliran niya. Sinabi po niya sa akin na ‘Sige lumapit ka, manlaban ka’ sabi niya po sa akin. Sabi ko, sa takot po ‘Hindi na po kuya.’ And then tumakbo po siya,” kuwento ng biktima.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga traffic enforcer sa lugar, na rumesponde para mahabol ang suspek.
Kinilala ang suspek na si John Lloyd Jimenez. Nakuha sa kaniya ang ninakaw na cellphone at patalim.
Lumabas sa imbestigasyon na dati na ring nakulong ang suspek dahil sa parehong kaso ng pagnanakaw.
“Humihingi po ako ng kapatawaran, nagawa ko lang naman po ‘yun dahil sa kalagayan ng asawa ko na nagkaroon siya ng Stage 3 na sa matris na cancer,” sabi ni Jimenez. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News