Arestado sa Visayas Avenue, Quezon City ang isang pulis na inireklamo dahil sa paghingi raw ng pera kapalit ng mabilis na pagproseso ng piyansa ng taong kaniyang inaresto.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras,” inaresto sa kanya mismong mga kabaro si Staff Sergeant Allan Atienza Dacut na 20 taon na sa serbisyo at isang imbestigador.
Kinotongan umano ni Dacut ang isa niyang inaresto para sa kasong qualified theft upang makapagpiyansa agad.
“Hiningan pa nila ng P40,000 hanggang P60,000 itong mga nahuli para mapabilis ang process ng pag-bail,” pahayag ni Police Brigadier General Warren Ferrer de Leon.
Ayon sa Philippine National Police - Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), hindi umano masama na umalalay ang pulis sa pagpipiyansa ng kakasuhan pero ibang usapan na umano kapag nanghingi ng pera ang pulis sa kakasuhan.
“Ni-re-refer namin yan sa bondsmen, sila ang mag- aayos ng bailbond, mga piyansador na tinatawag. So hindi na nila kailangang pak-alamanan ang piyansa,” dagdag ni de Leon.
Samantala, tumangging magbigay ng komento ang suspek at sinabing sa korte na raw niya magsasalita.
“May corresponding na admin case 'yan, puwede siyang ma-dismiss sa serbisyo,” ani de Leon. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News