Tutol pa rin si Cagayan governor Manuel Mamba na isama ang kaniyang lalawigan sa mga lugar na bahagi ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika na may kaugnayan sa kooperasyong militar.
“As I previously said it is the President's call but I disagree and continuously oppose EDCA sites in Cagayan because they are magnets of attack by US adversaries due to the presence of foreign forces (US Armed Forces),” pahayag ng gobernador sa GMA News Online.
Umaasa si Mamba na irerekonsidera ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang desisyon nito na isama ang Cagayan sa EDCA.
“I am still hoping that the President reconsiders his decision since there are five other sites being developed earlier. Cagayan is always a friend to our neighboring countries,” paliwanag ng gobernador.
Nitong Lunes, inihayag ng Malacañang ang apat na karagdagang military facilities sa bansa na maaaring na gamitin ng US forces sa ilalim ng EDCA.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang mga bagong EDCA site ay ang Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; ang Balabac Island sa Palawan.
Una nang sinabi ni Marcos na nakikipag-ugnayan na ang national government sa mga local government units na nagpahayag ng alinlangan tungkol sa pagkakasama ng kanilang lugar sa EDCA.
Taong 2014 nang pirmahan ng Pilipinas at US ang EDCA, na nagbibigay pahintulot sa tropa ng US military na makigamit ng Philippine military facilities. Kasama sa kasunduan ay pagpapahintulot sa US troops na maglagay ng kanilang kagamitan at mga sasakyan gaya ng eroplano at barko sa mga lugar na tinukoy sa EDCA.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes Jr., lalong magpapataas ng tensiyon sa rehiyon ang paglalagay ng mga bagong pasilidad ng EDCA sa northern Philippines na magagamit ng US.
Maniwala niya, may kaugnayan ito sa girian ng US at China tungkol sa Taiwan.
“Mr. Marcos should know that this isn’t a Hollywood movie like Top Gun. There are real and serious consequences to these geopolitical maneuvers,” ani Reyes.
“He has allowed the Philippines to be dragged into a conflict between two imperialist powers, one that is not in our interest,” dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News