Napauwi na at nabigyan ng tulong ang 61-anyos na senior citizen na halos tatlong linggo nang nananatili sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) matapos manakaw ang kaniyang mobile phone at bag, saad ng isang opisyal nitong Martes.
"Ibinalik na namin siya sa Batangas, tinulungan siya ng pamunuan ng PITX. Sa PNP naman, suportado rin ang reklamo niya tungkol sa insidente ng pagnanakaw. Binigyan siya ng cash assistance ng mga anonymous supporters natin," sabi ni PITX corporate affairs officer Kolyn Calbasa sa isang panayam sa Dobol B TV.
Dagdag ni Calbasa, nakatanggap si Antonio Herilo ng tulong na P15,000, na siya ring halaga na nawala sa kaniya matapos manakaw ang kaniyang bag.
LIVE sa DZBB: Kolyn Calbasa, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) corporate affairs officer
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 4, 2023
????: @dzbb594 kHz
????: https://t.co/Q2O7oZOmUH
????: https://t.co/aeDu2d2uCK pic.twitter.com/YTONRwv51O
Sinabi ni Calbasa na ineendorso na rin ng pamunuan ng PITX si Herilo, isang dating private car driver, sa iba't ibang transport companies, habang naghahanap siya ng trabaho sa Metro Manila.
Ayon kay Herilo, residente ng Batangas City, nangyari ang pagnanakaw sa kaniyang cellphone at bag noong Marso 14 sa terminal.
Nakatulog siya at iniwan ang kaniyang phone na nagcha-charge, ngunit wala na ito at ang kaniyang bag matapos magising siya.
Sinabi ni Merilo na ipinahiram lamang sa kaniya ang P15,000 para ipambayad sana sa kaniyang renta.
Sinabi ni Calbasa na hindi na matukoy ang suspek sa kuha ng CCTV dahil nakasuot ito ng face mask.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Kasunod ng insidente, sinabi ni Calbasa na pinaigting ng PITX ang kanilang seguridad, habang ang PNP ay nagtalaga ng ilan sa mga tauhan nito sa terminal para sa augmentation. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News