Arestado ang isang lalaki sa Novaliches, Quezon City matapos umanong saktan at tutukan niya ng baril ang kanyang live-in partner at kanilang menor de edad na anak.
Inaresto ng taga-Quezon City Police District Station 4 ang suspek sa Barangay Gulod matapos makatanggap ng reklamo mula sa barangay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na sinaktan umano ng suspek ang live-in partner at ang kanilang walong taong gulang na anak na babae.
Natutulog daw ang live-in partner nang bigla siyang suntukin sa tiyan ng suspek.
"Kinompronta siya dahil doon sa text message na nabasa. Nagseselos. So nu'ng pagkakasuntok, nagkaroon ng konting ingay. Lumabas 'yung kanyang anak na eight years old at 'yung bayaw," ani QCPD Station 4 deputy station commander Police Captain Jeff Tuyo.
"Eh may dalang kutsilyo itong suspek at sa pag-awat, nasugatan 'yung eight years old. Hindi pa nakuntento, kumuha pa ng baril, at tinutok du'n sa bayaw habang nagbabanta," dagdag niya.
Dito na humingi ng tulong ang kapatid ng biktima.
Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang isang baril na kargado ng mga bala.
Ayon sa mga awtoridad, lisensiyado ang baril ngunit may violation pa rin dahil hindi ito dapat nilalabas at ginagamit na panakot.
Depensa naman ng suspek, hindi niya sinaktan ang mag-ina. Nagkapikunan lang daw sila. Inamin niyang nagselos siya sa nabasang text message na may nangamusta sa kanyang partner.
Posibleng maharap sa mga kasong child abuse, grave threat at violation against women and children ang suspek. —KG, GMA Integrated News