Dumulog na rin sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pasaherong sinubukan umanong kikilan ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) matapos na ilang ulit nang ma-offload sa kaniyang flight noong 2022.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tatlong beses nang na-offload sa eroplano ang seafarer na itinago sa pangalang "JC."
Hanggang sa may nag-alok umano sa kaniya na nagpakilalang tauhan ng BI na mag-e-escort daw sa kaniya sa immigration counter para matiyak na makakaalis pero hiningan siya ng P150,000.00.
Matapos magreklamo sa tanggapan ng BI, sa tanggapan naman ng NBI sumunod na dumulog si JC para magreklamo.
Ayon sa NBI, marami na rin silang natatanggap na reklamo tungkol sa mga tiwaling ahente ng BI. Pero may mga kailangan pa raw na gawin bago maikasa ang entrapment operation.
Inihayag naman ng tagapagsalita ng BI, na may mga isinasagawa na silang hakbang para malinis ang kanilang hanay.
Sinabi ni Dana Sandoval, spokesperson ng BI, na ang mabilis na aksyon ng pamunuan ay malaking hakbang para mapigilan at matigil ang ilegal na gawain ng ilan nilang tauhan.
Nilinaw din niya na maliit na porsiyento lang na 0.06% ang na-o-offload sa flight.
"I think there's a misconception din. Hindi po ganun yung case natin, talagang ang tinatarget po natin ay yung mga biktima ng human trafficking and illegal recuitment, as well as 'yun pong umaalis na hindi tugma yung kanilang documents dun sa actual purpose of travel nila," paliwanag ng opisyal. --FRJ, GMA Integrated News