Arestado ang tatlong suspek sa panghoholdap dahil sa naging viral na video na kinuha ng isang rider na humabol sa kanila.
Ayon sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, hinabol ng rider na si Jett Lau ang tatlong lalaking sakay ng iisang motorsiklo dahil ayon sa isang TNVS rider, nangholdap daw sila ng isang babaeng estudyante malapit sa isang mall sa Fairview, Quezon City.
"Sabi ko, anong nangyari? Hinoldap daw iyong estudyante. So hinabol ko. Malaking motor iyong dala ko eh, kaya naabutan naman natin kaya lang medyo nahirapan kami sumingit," ani Lau.
Naisip daw ni Lau na harangin o sipain ang motorsiklo ng tatlo para hindi na sila makatakas, pero nagbago ng isip.
"'Di ko naman puwede gawin kasi wala [silang] helmet. 'Pag sumemplang din iyon, siyempre inisip ko 'yung puwedeng mangyari. Baka pwedeng maaksidente, baka mamatay."
Kaya pina-videohan na lang daw niya ito sa kanyang misis na angkas para mamukhaan at maplakahan ang mga suspek.
Buti na lang daw, may nakasalubong silang mga pulis.
"Pag liko namin dito nang Zabarte Road, may pulis na HPG na naka-wangwang at naka blinker. Tinawag namin kasi naisip ko kahit maharang ko wala na akong magagawa, may kutsilyo eh," dagdag ni Lau.
"Napakalaking bagay nun dahil nakuha natin mukha ng mga suspek at the same time nakuha natin 'yung motor vehicle number ng motorsiklo," ayon kay QCPD Station 16 commander Police Lieutenant Colonel Vicente Bumalay Jr.
Ngayong hapon, naaresto na ang tatlong suspek at nabawi ang mga bagay na umano'y ninakaw nila.
Wala pa silang pahayag. — BM, GMA Integrated News