Halos tatlong linggo nang namamalagi ang isang 61-anyos na lalaki sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) matapos umanong manakaw ang kanyang cellphone at bag na naglalaman ng P15,000.
Ayon kay Antonio Herilo na mula sa Batangas City, naganap ang nakawan noong March 14 ng madaling araw sa PITX, base sa report ni Jhomer Apresto ng Super Radyo dzBB.
Ba-byahe na sana siya pabalik ng Batangas para kumuha lang ng mga gamit at babalik din ng Metro Manila upang maghanap ng trabaho dahil may umaasa pa raw sa kanya.
WATCH: Senior citizen na nanakawan ng cellphone at bag na naglalaman ng ?15,000, halos tatlong linggo nang nananatili sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX). | via @jhomer_apresto pic.twitter.com/4wNE3a3MNf
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 1, 2023
Napaaga umano ng dating ang matanda sa terminal kaya’t umidlip muna siya sa waiting area. Iniwan niyang naka-charge ang kanyang cellphone, ngunit wala na ito pati na rin ang kanyang bag noong siya ay magising.
Aniya, pinautang lamang sa kanya ang nawalang P15,000 para pambayad sana sa kanyang renta habang siya’y naghahanap ng trabaho.
Base sa incident report ng PITX, ang suspek ay isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na sombrero, itim na T-shirt, at itim na tsinelas. Siya’y nagmamadali ring lumabas ng terminal matapos ang insidente.
“‘Yung incident na nasilisihan ako… Tinaymingan niya ‘yung pag-idlip ko tsaka niya ano… Talagang kitang-kita sa CCTV na tuma-timing ‘yung kanyang ano,” saad ng biktima.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente ng nakawan. —Giselle Ombay/LBG, GMA Integrated News