Naaresto na nitong Sabado ang suspek sa panloloob at pagpatay sa 24-anyos na computer science student sa Dasmariñas, Cavite. Ang suspek, tinangka pa raw manlaban sa isa sa mga umarestong pulis.
Sa pahayag, sinabi ng Cavite Police Provincial Office (CPPO), na dakong 10:40 a.m. nang maaresto sa isang bahay si Angelito Erlano, 39-anyos.
Cavite police, kinumpirmang tinangka ng suspek sa panloloob at pagpatay sa isang estudyante ng De La Salle sa Dasmariñas na manlaban sa mga pulis. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/vaFbnl0LQa
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 1, 2023
Nagsasagawa umano ng follow-up operation ang mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit at Dasmariñas City Police Station, nang masukol si Erlano na nagtatago sa bahay ng isa nitong kaibigan sa Barangay Victoria Reyes.
Tinangka umano ni Erlano na saksakin ng screwdriver ang isang pulis pero kaagad siyang nasunggaban hanggang sa maaresto.
Nauna nang natukoy ang pagkakakilanlan ni Erlano nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at malaman kung saan ito tumutuloy.
Unang nakita ang damit at short na pinapaniwalaang suot nito nang gawin ang krimen. Gayundin ang bag na pinapaniwalaang pag-aari ng biktima.
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery with homicide, at direct assault on a person in authority.
Batay sa tala ng pulisya, dati nang nasangkot sa mga pagnanakaw ang suspek.
Nitong nakaraang Martes nang makita ang duguang bangkay ng biktimang si Queen Leanne Daguinsin, sa inuupahan niyang dormitoryo sa Barangay Santa Fe.
Nagtamo si Daguinsin ng 14 na saksak sa iba't ibang parte ng katawan at leeg.—FRJ, GMA Integrated News