Naaresto na ang lalaking nang-holdap sa isang cake shop sa Quezon City, matapos siyang matunton gamit ang CCTV.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing agad sinundan ng mga operatiba ng La Loma Police ang suspek na si Joreen Adduru sa mga kuha ng CCTV sa kalsada matapos magsumbong ang mga staff tungkol sa nangyaring holdap sa kanilang shop.

Hanggang sa mamataan ang suspek na wala nang suot na helmet, at natukoy din ang motor na kaniyang ginamit. Nasundan ang suspek at nakorner ng pulisya sa Malabon City.

Gayunman, hindi na nabawi sa lalaki ang ninakaw na P11,000 halaga ng pera at cellphone ng mga staff ng shop.

Nakuha sa compartment ng kaniyang motor ang isang .38 caliber na baril at isang granada. Ngunit iginiit ni Adduru na hindi ito sa kaniya.

Replica lamang din umano ang ginamit niyang baril sa panghoholdap, na itinapon na niya.

“‘Yung replica tinapon ko na po ‘yun sir. Tapos nagulat na lang po ako meron silang na-turnover sa may compartment ko po,” sabi ng suspek.

May kaso pang robbery, illegal possession of firearms, paglabag sa Omnibus Election Code, at possession of illegal drugs ang suspek.

May mga dumating din mula sa Kamuning Police Station dahil ang motor na gamit ng suspek ay siya ring motor na ginamit sa holdap sa isang tindahan ng milk tea noong Enero.

Dumepensa si Adduru na hindi siya ang taong tinutukoy. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News