Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos ireklamo ng isang kumpanya ng pagbebenta ng kanilang e-cigarettes at vape products nang walang kaukulang permit sa Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip ang ang dalawang lalaki sa ikinasang entrapment operation ng Manila Police District –Special Operation Unit sa Brgy. 867, Pandacan.

Nakipagtransaksyon sa mga awtoridad ang mga suspek na may dala-dalang tatlong kahon ng vape. Pagkaabot ng pera, dito na sila inaresto ng mga pulis.

Nang suriin sa mismong kumpanya, wala sa listahan ng authorized sellers o distributors ang mga lalaki na nagtitinda hindi lang sa Metro Manila kundi sa mga probinsya.

Nakuha ang P200,000 halaga ng vape device at pods mula sa mga naaresto.

Ayon sa pulisya, orihinal ang mga ibinebentang produkto ng mga lalaki at ang kumpanya na mismo ang nag-authenticate nito. Subalit wala silang permit magtinda kaya ilegal pa rin ang kanilang mga transaksyon.

Dumepensa ang mga lalaki na sa distributor nila mismo kinukuha ang mga produkto kaya inakala nila na maaari na itong ibenta.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News