Umakyat na sa 28 katao ang kumpirmadong nasawi sa pagkasunog ng isang pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Basilan nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes.

Ayon kay PCG District BARMM Commander Commodore Rejard Marfe, nakita ang mga labi ng 18 biktima sa loob ng nasunog na MV Lady Mary Joy 3.

Sampu naman ang naunang naitalang nasawi na nalunod matapos tumalon mula sa nasusunog na barko.

“As of now, continuous ‘yung pag-search natin sa barko para makita natin kung meron pang cadavers na madi-discover,” ani Marfe sa mga mamamahayag.

“Nalunod yung sampu. Ito ‘yung [mga] tumalon…na walang lifejacket and nalunod,” dagdag niya.

Ayon kay Marfe, nasa 230 ang nakaligtas sa trahediya kasama ang mga crew ng barko. Siyam sa mga nakaligtas ang nagtamo ng sugat at kinailangang dalhin sa ospital.

Base sa impormasyon na nakuha ni Basilan Gov. Hadjiman Hataman-Saliman, galing sa Zamboanga City ang MV Lady Mary Joy 3, at papunta sa Sulu nang masunog ito.

Idinagdag niya na batay sa kuwento ng ilang nakaligtas, natutulog sila nang mangyari ang sunog dakong 11:00 pm.

Idineklarang naapula ang sunog dakong 7:30 a.m. ngayong Huwebes.

Base sa imbestigasyon ng awtoridad, sinabi umano ng kapitan ng barko na dinala niya ang sasakyan sa Baluk-Maluk Island sa Hadji Muhtamad nang magkaroon ng sunog para maisalba ang mga pasahero.

Pinapaniwalaan na nagmula sa accommodation area sa second deck ng barko ang sunog.

Hindi naman umano overloaded ang barko na 430-katao ang kapasidad at 205 lang ang pasahero at may 35 crew nang mangyari ang sunog.

Wala rin ulat ng oil spill mula sa barko, ayon sa PCG.

Sa isang pahayag, nagpaabot naman ng pakikiramay si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa mga kaanak ng mga nasawi.

Patuloy umano ang isinasagawang paghahanap sa mga posibleng nakaligtas sa trahediya, at maging sa labi ng mga nasawi.

Nakikipag-ugnayan din umano ang tanggapan ng kongresista sa Department of Social Welfare and Dvelopment para mabigyan pa ng karagdagang tulong pinansiyal ang mga nakaligtas para sa kanilang gastusin.

"Nakikipag-usap din kami sa mga awtoridad at mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang siyasatin kung ano ang puwedeng gawin para maiwasan ang mga ganitong insidente," anang kongresista.. —FRJ, GMA Integrated News