Bistado ang modus ng limang fixer matapos nilang alukin ang mismong hepe ng Land Transportation Office (LTO) na si Assistant Secretary Jay Art Tugade, na nagpanggap na kukuha ng lisensiya kasama ang iba pang mga operatiba sa labas ng isang opisina ng ahensya sa Quezon City. Ang district office chief, suspendido.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang katakot-takot na sermon na inabot ng LTO district office chief kay Tugade nang mabuko ang talamak na kalakaran ng mga fixer sa labas ng opisina.
Napag-alaman ng LTO na P10,500 ang sinisingil ng mga fixer para sa student driver’s permit. Sa normal na proseso, wala pa sa P1,000 ang kailangang ibayad para sa lisensiya.
Nadakip ang limang fixer na naaktuhan ng mga awtoridad. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Red Tape Act.
Nahaharap naman ang suspendidong district office chief sa kasong kriminal kung mapatunayang kasabwat siya ng mga fixer.
Inaalam na rin ng LTO kung may iba pang mga opisyal ang sangkot sa ilegal na gawain.
Sa buong Pilipinas inilulunsad ng LTO ang kanilang kampanya laban sa mga fixer.
Kumpiyansa ang ahensya na mapupuksa ang iligal na gawain kung maipatutupad ang kanilang plano na gawing digital o online na lang ang marami sa kanilang mga transaksyon.
Plano rin ng ahensya na magdagdag ng mga opisina para mabawasan ang mga mahahabang pila. —LBG, GMA Integrated News