Arestado ang isang lalaki na nangholdap sa isang estudyante sa Maynila.
Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles na nakilala ng biktima ang suspek, na aminado sa krimen, dahil sa kanyang ngiti at suot.
Naging susi umano sa pagkakahuli sa holdaper na kinilalang si Runky Franco, 28-anyos, ang "hindi malilimutang niyang ngiti," ayon sa ulat.
Kwento ng biktimang isang college student, pauwi na siya galing school at nag-aabang ng jeep pasado alas-sais Martes ng gabi nang mapinsin niya ang isang lalaki na tumitingin sa kanya.
"Biglang dumikit siya sa bandang tagiliran ko po, then tinutukan na ako ng baril at nagsalita ng 'holdap'. Sinabihan niya ako na huwag sumigaw o gumawa ng ingay, kundi, ipuputok niya ang baril," ayon sa biktima.
Sa takot, agad umano niyang ibinigay ang kanyang cellphone.
"Nung malayo-layo na siya sa akin, bigla na lang po niya ako nginitian," dagdag ng biktima.
Agad na nagsumbong ang biktima sa mga pulis-Maynila, na agad namang nagkasa ng follow-up operation kasama ang biktima.
Naaresto ang suspek wala pang isang oras ang nakalipas.
Nakilala ng biktima ang suspek dahil sa kulay ng suot niya at ngiti nito.
Nakuha mula sa suspek ang ninakaw na cellphone. Nakuha rin kay Franco ang isang kalibre .38 at dalawang bala.
Sa inisyal na imbestigasyon, dati nang nahuli si Franco dahil din sa pagnanakaw.
Paiigtingin daw ng mga pulis ang pagbabantay sa lugar. —LBG, GMA Integrated News